Nilikha ng Tagapaglikha ng sansinukob ang mundo para sa sangkatauhan.
Nang handa na ang mundo, nilikha ng Maykapal ang tao at ipinadala siya sa mundo bilang. “Kanyang mga natatanging panauhin".
Ayon sa mga pinagkukuhanan ng impormasyon sa Islam, ang unang panauhin ay si Adam. Siya rin ay kilala bilang kauna-unahang propeta ng sangkatauhan. Matapos ni Propeta Adam (ang kapayapaan ay sumakanya), nagpadala ang Allah ng isang daan at dalawampu’t apat na libong mga propeta sa iba’t ibang sibilisasyon at pamayanan. Nalaman natin ang ilan sa mga pangalan ng mga propetang iyon, gaya ng Adam, Noah, Abraham, Jonah, Soloman, Moses, Jesus, at Muhammad na karaniwang nababanggit sa Qurán.
Si Propeta Muhammad (ang kapayapaan at biyaya ay sumakanya [kbs]) ay ipinanganak noong 571 AD sa Makkah sa Saudi Arabia at namatay noong 632 AD sa Madina sa Saudi Arabia. Nang sya ay nasa edad na 40, nagpakita ang anghel na si Gabriel sa kanya. Inutusan siya nito na “Bumasa”. Nalaman ni Muhammad (kbs) na ito ang kauna-unahang aralin na natanggap niya sa Maykapal at ito rin ang kauna-unahang berso ng Quran na ipinaalam sa kanya. Ang pangyayaring ito ang nagsimula ng pagiging sugo ng Propeta Muhammad (kbs) at nagproklama sa kanya bilang huling Propeta sa Islam.
Ang Propeta Muhammad ay binigyan ng Banal na Aklat at ito ay ang Banal na Qurán.
Ito ay naihayag nang pabaha-bahagya sa loob ng 23 taon ng pamumuhay ng Propeta Muhammad, bilang isang gabay at habag sa lahat ng mga daigdig. Ang Banal na Qurán ay ipinadala sa wikang Arabe na may anim na raan at animnapu’t anim na mga berso, na nahahati sa isang daan at labing apat na kabanata. Nananatili itong di-nagbabago mula nang ito ay maihayag hanggang sa kasalukuyan.
Ang Banal na Quran, Mga Salita ng Maykapal, ay nabubuo ng apat na pangunahing paksa: Kaisahan ng Allah, Muling Pagkabuhay at Kabilang-Buhay, Pagiging Propeta, at Hustisya-Pagsamba.
Ang Quran bilang isang libro ng paggabay ay nakikipag-usap sa tao sa paraan na kanilang maiintindihan. Itinuturo nito ang Tagpaglikha—ang relasyon ng nilikha (sa Kanya)—at pinahihintulutan silang makita ang iba’t ibang Magagandang Pangalan ng Tagapaglikha at nagpapakita ng mga buhay na halimbawa sa pamamagitan ng mga talinghaga at kuwento ng mga propeta bago ang Propeta Muhammad (kbs). Ipinapaliwanag nito ang pangunahing tanong ng tao ukol sa layunin ng buhay at ng kabilang-buhay.
Ipinapaalala rin ng Quran sa tao ang kahalagahan ng pagsamba, paglilingkod at pagsunod na naipapakita sa pagdarasal, mabubuting gawain at kabutihang asal ayon sa nakitang pamumuhay at gawain ng Propeta Muhammad.
Sa madaling salita, ang Quran ay isang handog ng Maykapal sa Kanyang mga panauhin na kinatawan ng selyo at pinakahuli sa lahat ng mga Propeta, Muhammad (kbs). Ang Qurán ay nakakapagdulot ng positibong pagbabago sa personal, sosyal, pulitikal at ispiritwal na pamumuhay ng tao. Napatunayan din na nililinang nito ang tao, nililinis ang kanilang kaluluwa, at nagbibigay ng kaunlaran sa sangkatauhan para makamit nila ang kasiyahan na walang hanggan sa mundong ito at sa kabilang-buhay.